Nagkaisa ang Palawan State University (PalawanSU), Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA, Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, at Western Philippines University (WPU) sa paglagda ng isang Memorandum of Agreement noong Marso 13, 2026, sa PalawanSU Hostel. Layunin ng pormal na kasunduang ito ang pagpapatupad ng “Tara, Basa! Tutoring Program” (TBTP) sa lalawigan.
Pormal na binuksan ang programa sa pamamagitan ng mensahe ni DSWD Undersecretary for Innovations and Program Development, Edu M. Punay. Sa kanyang pahayag, ipinaliwanag niya ang malalim na layunin ng inisyatibong ito. Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa bawat ahensyang nakiisa at naging katuwang upang maisakatuparan ang naturang programa. Sinundan ito ng pagbati mula kay Gobernador Amy R. Alvarez, na nagpahayag ng lubos na pasasalamat sa DSWD, sa mga Pamantasan ng PSU at WPU, at sa DepEd. Binigyang-diin ng Gobernador ang kanyang hiling na lumaganap ang programa sa buong lalawigan. Pinasalamatan din niya ang mga alkalde ng Quezon at Narra sa pagbukas ng kanilang mga bayan bilang mga unang benepisyaryo ng programang ito. Umaasa ang gobernadora na ito ay magbibigay ng pag-asa at magsisilibing susi sa pagpapataas ng antas ng literacy sa buong Palawan.
Nagbigay rin ng mensahe ng suporta si Dir. Benchie B. Gonzales, Regional Director ng DSWD MIMAROPA kung saan kinilala niya na ang mga kakulangang pinansyal ang karaniwang hadlang sa mga kabataan sa kanilang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo. Dahil dito ay mas nais ng DSWD na makipagtulungan sa DepEd, CHED, mga lokal na pamahalaan, at sa mga pamayanan upang mapalawak ang kanilang suporta at masigurong walang bata o pamilya ang mapag-iiwanan.
Ibinahagi rin ni Dir. Gonzales ang mga konkretong target para sa taong ito, “For 2026, we have a clear target for the province of Palawan. We have a total of 2,620 beneficiaries, comprising 1,148 learners, 1,148 parents, and 229 tutors. In addition, there would also be 95 youth development workers. In total for the MIMAROPA region, we have 5,000 targets, and more than 50% of that will be coming here from Palawan.” Bilang pagtatapos, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagsasabing, “Together, let us make education a bridge to opportunity, a beacon of hope, and a foundation for a brighter future for the province of Palawan and the nation.”
Matapos ang mga makabuluhang pahayag, agad na isinagawa ang seremonyas ng pagpirma sa Memorandum of Agreement (MOA), na sinundan ng mga mensahe ng mula sa mga kinatawan ng bawat ahensya.
Nagsalita sina Mayor Lily G. Torrico mula sa Munisipyo ng Quezon, Mayor Gerandy B. Danao, mula sa Munisipyo ng Narra, Dr. Amabel Liao, mula sa WPU, at Prop. Marissa S. Pontillas mula sa PalawanSU upang magpaabot ng pangako at suporta para sa programang TBTP ng DSWD.
Ayon kay OIC Pontillas, “It has always been PSU’s mission to serve the underserved, especially those in the remote areas, by providing accessible quality education for all. Hence, partnership opportunities such as DSWD’s Tara, Basa Program is most welcome. This initiative can be very helpful in uplifting the functional literacy and education of Palaweños.” Naniniwala si OIC Pontillas na malaki ang maitutulong ng programang ito, hindi lamang sa mga batang mag-aaral kundi pati na rin sa mga mag-aaral sa kolehiyo na magkaroon ng “culture of service and mentorship.” Nagpasalamat din si OIC Pontillas sa DSWD para sa kanilang makabago at multidimensyunal na inisyatibo para sa kapakanang panlipunan.
Sa ilalim ng TBTP, layunin na mas magiging produktibo ang tulong-pinansyal para sa mga pamilyang kapos-palad na may mga anak sa kolehiyo. Sa ilalim ng programang ito, ang mga piling estudyante mula sa PalawanSU at WPU ay magsisilbing mga “tutors” at “youth development workers.” Ang mga youth development workers ang gagabay sa mga magulang o guardian sa pamamagitan ng mga parenting sessions upang hubugin silang maging “Nanay-Tatay Teacher” o ang mga unang guro sa loob ng tahanan. Samantala, ang mga “tutors” naman ang magsasagawa ng reading tutorials para sa mga batang nahihirapan o hindi pa marunong magbasa na tinukoy ng DepEd Palawan. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ang mga estudyante ng pagkakataong makibahagi sa pagbuo ng nasyon habang sabay na itinataas ang antas ng literasiya sa mga kabataan.
Dumalo rin sa nasabing pagtitipon sina Dr. Rafael G. Manalo ng DepEd Palawan, Bb. Abigail D. Ablaña ng Provincial Social Work and Development Office, at iba pang kawani ng DSWD at lalawigan ng Palawan.
































