Opisyal nang sinimulan ng Palawan State University (PalawanSU) ang pagdiriwang ng ASEAN Month 2026 sa pamamagitan ng isang masiglang kick-off program na may temang “Navigating Our Future, Together.”
Nagtipon-tipon ang buong pamayanan ng pamantasan umaga ng Agosto 10, 2026 upang ipagdiwang ang pagkakaisa, kultura, at pakikipagtulungan ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Nagsimula ang palatuntunan pagkatapos ng nakaugaliang lingguhang pagtataas ng watawat ng Pilipinas na pinangunahan ng Socio-Cultural Affairs Office (SCAO) at ng University Disaster Risk Reduction Management Office (UDRRMO). Masigla itong sinundan ng sama-samang pag-awit ng ASEAN Anthem sa pangunguna ng PSU Singers, at ng makukulay na pagtatanghal ng iba’t ibang katutubong sayaw mula sa Sining Palawan Dance Troupe, na sinabayan naman ng live na pagtugtog ng musika mula sa PSU School of Talents.
Kasunod nito, pinangunahan ni Dr. Lhynette Zambales, ang Direktor ng Transnational Education and International Affairs Linkages Office (TNEIALO), ang pagkilala sa mga kasaping bansa ng ASEAN sa pamamagitan ng iba’t ibang kolehiyo ng unibersidad. Ibinahagi ni Dr. Venzon L. Limpiada, Pangulo ng Pamantasan, ang kanyang mensahe na ang pagdiriwang na ito ay isang mahalagang pagkakataon upang parangalan ang mayayamang kultura at kolektibong pagkakakilanlan ng Timog-Silangang Asya. Binigyang diin ng pangulo na ang PalawanSU ay nagsisilbing sentro ng glocal leadership, isang pamumuno na nagtataguyod ng rehiyonal na kaunlaran sa pamamagitan ng kahusayang akademiko at pakikipagkapwa-tao, habang nananatiling nakatutok sa paglilingkod sa sariling komunidad. Ibinigay naman ni Dr. Frances Muriel L. Tuquero, ang Vice President for Research, Innovation, Development, and Extension (VPRIDE), ang pangwakas na pananalita upang pormal na tapusin ang programa. Matapos ito, nagkaroon ng photo opportunity kasama ang mga opisyal at dumalo upang maipagdiwang ang makasaysayang sandali. Ang buong palatuntunan ay mahusay na pinamahalaan ni G. Ziedwrick A. Dicar bilang Master of Ceremony.
Sa buong buwan ng Agosto, inaasahang maglulunsad ang iba’t ibang kolehiyo at cluster ng kani-kanilang mga aktibidad. Kabilang dito ang mga exhibits mula sa College of Architecture and Design (CAD), quiz bee at entrepreneurship fair mula sa College of Business and Accountancy (CBA), painting exhibits, seminar and quiz bee mula sa College of Nursing and Health Sciences (CNHS), at iba pang interaktibo at pangkulturang gawaing nakalaan para sa buong pamayanan ng PalawanSU.






























































