Pinangunahan ng Transnational Education, International Affairs, and Linkages Office (TNEAILO) at Special Events and Protocol Office (SEPO) ang lingguhang pagtitipon para sa pagtaas ng Pambansang Watawat ng Pilipinas na ginanap sa PSU Landmark noong umaga ng ika-3 ng Agosto.
Sa kanyang lingguhang mensahe, ipinaalala ni University President Dr. Venzon Limpiada ang kahalagahan ng pagdalo sa flag ceremony bilang isang tungkuling sibiko at legal ng bawat kawani ng pamantasan.
Kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, hinikayat din niya ang lahat na gamitin ang wikang Filipino sa pagbati at pakikipag-usap.
Ibinahagi rin ni Dr. Limpiada ang ilang mahahalagang pangyayari noong nakaraang linggo. Binati niya ang TNEAILO at iba pang mga tanggapan sa matagumpay na pagsasagawa ng 3rd GCC International Research Conference on Global Citizenship Education (IRCON GCED 2026).
Kinilala rin niya ang Office of the Gender and Development (GAD) sa pangunguna sa “Juan Health Day,” kung saan nagkaroon ng libreng konsultasyong medikal at iba pang serbisyong pangkalusugan para sa mga kalalakihang naglilingkod sa unibersidad.
Nagbigay rin siya ng ulat tungkol sa isinagawang onsite evaluation ng Commission on Higher Education (CHED) para sa COPC Evaluation and Seed Fund Assessment ng Palawan State University – School of Medicine (PSU-SOM).
Nagbigay rin ng ulat si Dr. Limpiada tungkol sa kanyang pagbisita sa mga eksternal na kampus ng unibersidad. Pinasalamatan niya ang mga opisyal, guro, at kawani ng mga kampus na ito sa kanilang dedikasyon at pagsisikap.
Hinimok din niya ang mga tanggapan sa Main Campus na unahin ang pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga guro at estudyanteng nagmumula sa mga eksternal na kampus.
Kinilala rin ni Dr. Limpiada si Ar. Jefferson Bulan, Dean ng College of Architecture and Design (CAD), para sa matagumpay na “Pagbanwak,” isang solo architectural exhibition na nagtatampok ng kanyang mga obra. Aniya, ang eksibisyon ay nagbibigay-halaga sa ating kultura sa pamamagitan ng isang makabago at natatanging pananaw sa arkitektura.
Ibinahagi rin niya ang naging pagbisita ni H.E. Sarah Hulton OBE, British Ambassador to the Philippines and Palau, sa Main Campus. Ayon sa kanya, tinalakay sa pulong ang mga posibleng oportunidad para sa internasyonal na pakikipagtulungan ng unibersidad.
Inihayag din ni Dr. Limpiada ang mga nalalapit na gawain ng unibersidad ngayong Agosto, kabilang ang Burungitan Rites na gaganapin sa Agosto 17–20 at ang Testimonial Dinner para sa mga bagong abogado na nakapasa sa 2025 Bar Examinations.
Binigyang-diin din niya ang letrang “I” sa IGNITE Goals, na tumutukoy sa Institutional Identity through Decentralized Growth and Resilience. Kaugnay nito, binati niya ang College of Teacher Education at College of Business and Accountancy sa pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang kapaligiran. Ipinaalala rin niya sa lahat ng mga pinuno ng tanggapan na ang maayos na kapaligiran ay sumasalamin sa pagkakakilanlan ng institusyon at hinikayat ang patuloy na pagsasabuhay ng 7S sa mga opisina.
Samantala, kinilala ng Office of Human Resource Management and Development (OHRMD) ang 144 huwarang empleyado na nagtamo ng perpektong attendance at walang naitalang late o pagliban noong buwan ng Mayo, bilang bahagi ng Rewards and Recognition Program.




































